Karapatan O Responsibilidad

Sa dami ng isyu na kinakaharap ng Pilipinas ngayon, minsan hindi ko malaman kung ano ang unang bibigyang pansin, o dapat ko nga bang bigyang pansin. Noong elementary at high school ako, madalas ang pagpapaalala ng mga teachers ko tungkol sa pagmamahal sa bayan. Nang mag-college ako, medyo naiba. Habang pilit kong minimemorya ang Article III ng Philippine Constitution at iniintindi ang sarili kong karapatan bilang Pilipino, napapanood ko naman sa balita ang kabi-kabilang paglabag sa mga karapatang sinasaulo ko. Parang gusto ko nang maniwala sa ibang mga prof ko na nagsabing wala nang pag-asa ang bayang ito. Mas lalong naiba nang maka-graduate ako at pasukin ang totoong mundo. Bumoboto na ako at nagbabayad ng buwis, dalawa sa mga responsibilidad ko bilang isang mamamayan, kahit na sinasabi pa ng ilan na ang nauna ay isa sa mga karapatan ko bilang Pilipino.

Hindi ko kailanman naramdaman na karapatan ko ang pagboto. Ito nga marahil ang isa pinakamatibay na simbolo ng demokrasya, ang pagkakaroon ng boses sa kung sino ang gusto kong mamuno sa bansa. Pero ito rin ang karapatan na nalalabag higit sa kung ano pa man. Hindi ang mga hinalang pandaraya ang ibig kong sabihin (pero pwede na rin sigurong isama yon). Lahat naman siguro ng Pilipino ay naghahangad ng kaginhawahan at pag-unlad. Nang harapin ko ang balota ko para isulat ang pangalan ng iboboto ko, buo ang paniniwala ko na ang taong yon ay buong puso na pagsisilbihan ako at ang mga kababayan ko. Hindi ba’t yun naman ang ipinapangako nila sa mga pangangampanya? Karamihan sa mga Pilipino, bumoto ng mga kandidatong artista. Marahil, kaya nila pinili ang kandidatong iyon ay dahil sa sikat ito, o dahil sa magaling umarte. Dahil sa kawalang pag-asa, ang tanging pinanghahawakan nila ay ang mga tao sa pelikula na madalas ay nagiging bahagi ng kanilang reyalidad, mga taong nagpapatawa, nagpapaiyak, kumakain nang hindi gumagamit ng kutsara at minsa’y nagiging superhero ng isang bayang alipin ng kasamaan at karahasan. Pero, sikat na artista man o hindi, kaakibat ng pagtakbo sa halalan ng mga taong ito ang isang napakalaking responsibilidad na paglingkuran ang taumbayan. Ito ang madalas na biglang nakakalimutan nila matapos ang eleksyon. Kulang parin ang mga classrooms, mataas pa rin ang singil sa tubig at kuryente, marami pa rin ang mga lugar na binabaha, marami pa rin ang walang trabaho at nakikipagsapalaran sa ibang bansa, habang ang konting kinikita ng mga may trabaho ay nababawasan pa para sa tax, SSS, Pagibig, at Philhealth na kadalasan ay hindi naman napapakinabangan sa mga panahong kailangan. Kaya maliit lang ang paniniwala ko sa paalalang Vote Wisely. Kasi, ang iboboto naman talaga ng tao ay yung sa tingin niya ay matino at mapapaginhawa ng bayan. Kahit gaano pa katalino ang mga botante, kung ang mga pagpipilian naman ay hindi katiwa-tiwala, wala rin yung silbi.

At para saan naman ang ibinabayad kong buwis? Hindi ba’t para sa mga karagdagang classrooms? Para sa construction ng mga kalsadang lubak-lubak at binabaha? Para sa mga pasilidad na pampubliko? Para sa sweldo ng mga taga-protekta ng karapatan kong pantao? Bakit palaging sira ang escalator ng MRT? Bakit marami pa rin ang mga taong nababalot ng takot tuwing panahon ng tag-ulan dahil alam nilang baka mawalan na naman sila ng tirahan dahil sa baha? Bakit marami pa rin ang nadudukutan, at nananakawan? Marami ang isyu ng katiwalian sa gobyerno, ang tahasang panggagahasa sa kaban ng bayan. Ang mga senador na naakusahan ng pangungurakot, maaaring nagkasala sila, ngunit sila nga lang ba talaga? Hindi kaya nagawa rin ito para masabi ng mga tao na may ginagawa ang kasalukuyang administrasyon ukol sa tuwid na landas?
Ang mga nasa pwesto ngayon, kung hindi ako nagkakamali, ay nasa mga lugar nila ngayon upang pagsilbihan ang sambayanang Pilipino. Pero bakit parang nabaliktad na yata ang sitwasyon? Ang mga mamamayan na ang napapakakuba sa pagtatrabaho, sa loob at labas ng bansa, at magbabayad ng buwis para mamuhay ng kumportable ang mga opisyal ng pamahalaan. Hindi ko siguro masisisi ang mga taong ayaw magbayad ng buwis, lalo na kung ganito naman ang nangyayari.

Naniniwala akong may pag-asa pa ang Pilipinas. Hindi ko pwedeng tanggapin na lang ang pagkatalo nito sa ngayon, ang bayang nagbigay sa akin ng pagkakakilanlan. At alam kong hindi lang din ako nag-iisa sa paniniwalang ito. Ang pagbabago ay kailangang magmula sa akin mismo at hindi ko kailangang ipagsigawan sa kalye ang paniniwala ko. Kung marami akong kapareho ng paniniwala, at lahat kami ay magsisimula ng pagbabago sa sarili, makakamit din namin ang muling pagbangon nitong bayang minsan ay nag-alay ng dugo para sa kasarinlan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s